Ilang 'bakwit', nakatira sa dump truck; 'tent city', itinatayo

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 09:56 PM

Problema pa rin ng mga 'bakwit' mula Marawi City ang kanilang matitirahan habang nagpapatuloy ang bakbakan sa nasabing lungsod, kaya naman kanya-kanya silang diskarte ng maaaring masilungan. 

Pansamantalang nakikisilong ang 73 indibidwal na apektado ng krisis sa Marawi sa mga nakagaraheng dump truck sa isang compound sa Barangay Santiago sa Iligan City. 

Nilalagyan nila ng mga tarpaulin ang sahig para mahigaan. Doon na rin sila nagsasampay ng mga damit at nagluluto.

Ayon sa tagapangalaga ng garahe, mga kaanak sila ng kanyang amo ngunit dahil sa kanilang dami, hindi na sila magkasya sa bahay. 

"Masakit kasi marami kaming natutulog dito. Siksikan ba," ayon sa 'bakwit' na si Noraya Calisaranao.

Pumupunta naman ang ilang nakakikita sa kanila sa social media upang magpaabot ng tulong at pagkain. 

Nakita na rin ng barangay chairman ang kalagayan ng mga 'bakwit', pero aminado siyang hirap sa paghahanap ng mauupahang bahay ang mga lumikas mula Marawi. 

Naisin mang bumalik ng mga 'bakwit' sa Marawi, di nila magawa dahil patuloy pa rin ang bakbakan. 

'Tent city' sa Lanao del Norte

Magpapatayo ng 'tent city' ang Department of Social Welfare and Development para malipatan ng mga lumikas.

Higit isang buwan na rin kasing siksikan ang mga pamilya sa mga classroom sa Madrasah Markanzie Evacuation Center sa Balo-i, Lanao del Norte. Malapit na ring magsimula ang klase sa Arabic school na iyon sa Agosto. 

Magkakaroon ng isang tent ang bawat pamilya. Sa ngayon ay mayroon nang higit 200 tent na naipatayo ang DSWD. 

Magkakaroon ng banyo sa 'tent city' na ito. Mayroon ding common kitchen area na malayo sa mga tent upang maiwasan ang mga sunog. Mayroon ding laundry area na puwedeng paglabahan ng mga 'bakwit', ayon kay Oliver Inodeo ng DSWD ng Rehiyon 10. 

Mahigit 1,200 pamilya ang nakatira ngayon sa mga Arabic school evacuation center sa Lanao del Norte. Ililipat sila ng DSWD sa mga tent bago matapos ang buwan. 

-- Ulat nina Roxanne Arevalo at Rob Bolivar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.