Tagapagsalita ng grupong Karapatan sa Bicol region, inaresto sa kasong murder

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 07:02 PM | Updated as of Jul 10 2020 04:42 PM

SIPOCOT, Camarines Sur - Inaresto ng Sipocot police Huwebes ng tanghali si Dan San Andres, ang tagapagsalita ng grupong Karapatan sa Bicol, dahil umano sa kasong pagpatay.

May warrant of arrest si San Andres para sa kasong murder, na inilabas ni Judge Jeaneth San Joaquin ng Regional Trial Court Branch 56 sa Libmanan.

Bago ang pag-aresto kay San Andres, hinuli rin ang chairperson ng Gabriela Bicol na si Jenelyn Nagrampa nitong Miyerkoles.

Isa si San Andres sa apat pang umano'y kasamahan ni Nagrampa na isinasangkot sa nangyaring engkuwentro sa Ragay, Camarines Sur noong 2018.

Dalawang sundalo ang namatay sa insidente.

Una nang kinondena ng Gabriela ang umano'y hindi makatarungang pagkakahuli kay Nagrampa.

Maglalabas ng pahayag ang Karapatan hinggil sa pagkakaaresto kay San Andres.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.