Publiko dapat makita ang bagsik ng COVID-19 para lalong mag-ingat: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 06:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naniniwala ang isang eksperto na may magagawa pa ang Department of Health para lalong mag-ingat ang publiko laban sa coronavirus disease, na nakahawa na ng higit 51,000 sa bansa.

Bagaman karamihan sa mga tinatamaan ng COVID-19 ay asymptomatic o mild, kailangan pa rin makita ng mga tao kung gaano kabagsik ang sakit, ayon sa epidemiologist na si Benjamin Co.

"Personally, I feel that the DOH is not approaching the problem in the right way... If we only keep putting endorsers, they won't take that message seriously," ani Co panayam ng ABS-CBN News.

"You scare them. You put pictures of people that are in the ICU, pictures of people that get intubated. At the end of the spectrum, is a grim picture, but we need to remind people this is what happens," aniya.

Paglilinaw ni Co na bagaman magandang balita talaga na marami ang gumagaling sa sakit, hindi maikakaila na mayroon pa ring hindi mapagtatagumpayan ang COVID-19.

Habang wala pang magagawa para magamot ang mismong virus, minimum health standards pa rin ang pinakamabisa umanong paraan para maiwasang makuha ang respiratory illness.

Mababawasan ng 85 porsiyento ang tsansang mahawa sa sakit sa pagsusuot ng face mask habang 78 porisyento naman sa pagsusuot ng face shield.

Kapag sumunod sa isang metrong physical distancing, 80 porsiyento ang mababawas sa tsansang mahawa.

Kung pagsasama-samahin ang 3 hakbang na ito at ang pagpapanatiling malinis ang mga kamay, hindi hamak na mas malaking porsiyento umano ang kaligtasan sa banta ng COVID-19.

Ngayong Huwebes, umakyat sa 51,754 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitala sa Pilipinas matapos madagdagan ng 1,395.

Umabot na sa 12,813 ang gumagaling habang 1,314 naman ang namatay.

Noong Miyerkoles, naitala ang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso, na nasa 2,539.

Sa kabila nito, sinabi ni National Task Force on COVID-19 chief implementer Carlito Galvez na marami pa ring buhay ang nailigtas ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa.

Ayon sa Palasyo, ang pagtaas ng bilang ng kaso ay hindi nangangahulugang napasama ang situwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Ang pagtaas ng bilang ay nangangahulugang mas maraming taong may virus ang maa-isolate, ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

"'Yan po ay mabuti dahil maihihiwalay natin sila, ma-isolate natin sila at 'pag na-isolate natin sila, hindi na po kakalat 'yong sakit," ani Roque. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.