Pamilyang Pinoy sa California minura, ininsulto habang kumakain sa restoran

TJ Manotoc, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 09:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May isa na namang pamilyang Pinoy sa California ang nakaranas ng racist attack habang sila ay kumakanta ng "happy birthday" sa isa nilang kaanak sa isang restoran.

Kumakalat sa social media ang video kung saan bigla na lang silang pinagmumura at ininsulto ng isang lalaki. 

Si Raymond Orosa ang isa sa mga nandoon at nakaranas ng racist attack mula sa lalaking nakilala na si Michael Lofthouse, CEO ng isang tech company.

Ayon kay Orosa, ngayon lang sila nakaranas ng ganitong pambabastos sa loob nang mahigit 26 na taon nila sa Amerika.

"We just wanted him out. I was worried for the safety of my family and everybody’s family, for that matter."

Habang gulantang pa sila sa pagmumura ni Lofthouse, agad sumaklolo sa kanila ang waitress ng restaurant.

Kuwento ni Orosa, sa tulong ng isa pang guest, napalabas ng restaurant si Lofthouse. 

Nabatid naman na si Lofthouse ay isa rin palang immigrant na galing sa United Kingdom. Kalaunan ay humingi rin ito ng paumanhin.

"My behavior in the video is appalling. This was clearly a moment where I lost control and made incredibly hurtful and divisive comments," aniya.

Pero para sa pamilya ni Orosa, hindi sila naniniwala sa paghingi ng tawad ni Lofthouse. 

"I think he was advised to give the apology just to protect himself from it," ani Orosa. 

Laking pasalamat din ng pamilya Orosa sa waitress at sa staff ng Bernardus Lodge Restaurant na dinepensahan sila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.