Mga mambabatas puwedeng kalampagin para sa prangkisa ng ABS-CBN: abogado

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 09:40 PM | Updated as of Jul 09 2020 10:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Lalong dumagundong nitong Huwebes ang mga panawagang aprubahan na ng Kamara ang prangkisa ng ABS-CBN lalo't bukod sa libo-libong trabahong nakataya, milyon-milyong Pinoy din ang maaapektuhan ng posibleng pagsasara ng network. 

Celebrity man o simpleng mamamayan, may kanya-kanyang apela na ipasa ang prangkisa ng Kapamilya network.

Para sa isang dating human rights lawyer, dapat nang gamitin ng publiko ang kapangyarihan nilang mag-lobby sa kanilang mga kinatawan sa Kongreso.

"Puwede nilang tawagan 'yung mga congressman, 'yung mga senador. Puwede nilang sulatan, puwede nilang puntahan, puwede nilang pag-rally-han. Ang pag-rally, for as long as it is peaceful, is not illegal. Ang pagpapahayag ng inyong kalooban ay isang guaranteed na karapatan sa ating Konstitusyon... Ang lobbying ay hindi ipinagbabawal ng Konstitusyon," ani Lutgardo Barbo, propesor sa Ateneo School of Government. 

Giit ni Barbo, dapat pakinggan at aralin ng public servants kung ano ang makabubuti sa kanilang botante.

"Titingnan nila kung makatarungan ba? Yan ba ay makakabuti sa sambayanan? Yan ba ay para sa iilang tao lang? Yun ba ay magbe-benefit d'yan ay iilan lang? Ultimately, tatanungin nila ang sarili nila, is this good for the country or not? Or is this good for the national leadership lamang?" ani Barbo. 

Nitong Huwebes ay ginanap sa Kamara ang "summation" ng 12 pagdinig ukol sa ABS-CBN franchise bills.

Wala pang petsa kung kailan pagbobotohan ang prangkisa ng ABS-CBN.

Nasa higit 11,000 manggagawa ang nanganganib mawalan ng trabaho kapag ipinasara ang ABS-CBN. —Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.