Local transmission ng COVID-19, idineklara sa Iligan City

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 03:50 PM

ILIGAN CITY – May local transmission na sa lungsod na ito ng virus na sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Inter-Agency Task Force o IATF nitong Miyerkoles. 

Ang naturang deklarasyon ay base umano sa natanggap na komunikasyon mula sa Department of Health Regional Office 10, matapos na magpositibo sa confirmatory test and ika-21 pasyente sa lungsod. 

Ayon kay Dr. Cherlina Canaveral, ang City Health IATF Team Manager, walang sintomas ang 30-anyos na pasyente at naka-work-from-home ito. Minsan lang umano itong pumunta sa karatig bayan dahil sa trabaho. 

“Hindi na malaman kung saan ang source ng infection kaya naging local transmission na ito,” paliwanag ni Canaveral. 

Ipinatupad agad ng lokal na pamahalaan ang focused containment sa dalawang purok na sakop ng Barangay Mahayahay kung saan nakatira ang pasyente. 

Hulyo 8 nagsimula ang focused containment na tatagal hanggang Hulyo 22, kung saan apektado dito ang tinatayang nasa 240 na bahay. 

Bantay-sarado ang lahat ng lusutan upang masigurong walang lalabag sa ipinatutupad na paghihigpit ng pamahalaan.

Walo ang kasalukuyang tini-trace ng IATF na may direct contact sa pasyente, pero posibleng dumami pa ito kapag nagpositibo rin sa test ang mga nakasalamuha niya. 

Nagmamay-ari kasi ng negosyo at aktibong miyembro ng organisasyon ang mga magulang ng pasyente kaya marami ang na-expose sa pamilya. 

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga residente dito na walang ibang paraan upang maiwasan ang sakit kung 'di ang palagiang paghuhugas ng mga kamay at pagsusuot ng face mask. 

Ayon sa pulisya, umaabot sa 100 katao bawat araw ang nasisita nilang hindi nagsusuot ng face mask.