'Kulang gyod': Frontliners sa Cebu City idinadaing ang 'kakarampot' na sahod, incentive

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 08:14 PM | Updated as of Jul 09 2020 10:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CEBU CITY — Gusto nang tumigil ng iilang mga nurse at mga medical personnel dito dahil pagod na umano sila sa napakaraming pasyente ng COVID-19 at kakarampot lang din umano ang kanilang sinasahod.

Nabalot ng takot si alyas "Vanessa" nang malamang nagpositibo siya ng COVID-19. Isa siyang ICU nurse sa isang pribadong ospital. 

Gusto na niyang mag-resign sa trabaho dahil bukod sa pagod, kakatiting lang din ang kanilang sinusuweldo.

May hazard pay man ay kakaunti lang din, na nagkakahalaga ng P10,000. 

"Kulang gyod siya. I just hope it’s going to be at the P15,000 and it should be given to all the nurses not only to a selected few," hinaing ni Dr. Joseph Descallar, presidente ng Philippine Nurses Association-Cebu. 

Nagpunta na ang Department of Health central office para kausapin ang mga administrator ng mga pribadong ospital sa Cebu kung paano tugunan ang problema ng healthcare workers.

Sa datos ng ABS-CBN Data Analytics, nasa 83 percent na ang ICU bed occupancy rate sa Cebu City dahil marami na ang kritikal ang kondisyon dahil sa COVID-19.

Nangako naman ang mga private hospital na magdadagdag sila ng mga higaan para sa COVID-19 patients.

"We are answering the call of the president and the Department of Health to raise the number of beds," ani Dr. Yong Larrazabal, presidente ng Cebu Doctors Group of Hospitals.

Sa huling tala, muntikan nang pumalo sa 4,000 ang active cases sa mga nagka-COVID-19 sa Cebu City, 1,728 nito ay nasa mga ospital habang 2,107 ang nasa isolation facilities.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.