Higit 600 street dwellers sinagip sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 01:55 PM | Updated as of Jul 09 2020 08:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 600 mga tao sa lansangan ang sinagip ng lokal na pamahalaan ng Maynila noong gabi ng Miyerkoles at isinailalim sa rapid test para sa coronavirus disease (COVID-19).

Tinipon sa covered court ng Barangay 310 ang mga street dweller na nasagip ng mga tauhan ng Manila police.

Kasunod ito ng direktiba ng lokal na pamahalaan na ibalik ang rescue operations dahil sa muling pagdami ng mga nasa kalsada kahit nakasailalim pa ang Metro Manila sa general community quarantine.

Kasama sa mga na-rescue si Tannie Guiron, na wala umanong pambayad ng mauupahan.

"Hirap na nga kami, lalo kaming pinahihirapan," ani Guiron.

"Nangangalakal kami sa araw... eh 'yon lang naman ang hanapbuhay namin. Wala naman kaming bahay," aniya.

Inabutan naman ng curfew si Christial Marcelo, na nangangalakal pa nang mahuli ng mga pulis.

"Wala po akong relos talaga. Hindi ko namalayan ang oras," ani Marcelo.

Ang mga nasagip ay galing sa mga lugar ng Ermita, Malate, Sampaloc, Santa Cruz, at Santa Mesa.

Nagsagawa rin ng rapid test para sa mga nasagip ang Manila Health Department.

Kung may mag-positibo, ide-deretso siya sa quarantine facility.

"Itong mga street dwellers, nasa loob ng ating pasilidad na pinakakain ng agahan, tanghalian at hapunan," ani Manila Mayor Isko Moreno.

Nakiusap si Moreno na iwasan nang magbigay ng limos sa mga street dweller dahil ipinagbabawal ito sa ilalim ng Anti-Mendicancy Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.