Higit 300 street dwellers 'nasagip' sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 05:31 AM

MAYNILA - Sunod-sunod ang rescue operations sa lungsod ng Maynila para sa street dwellers o mga tao sa lansangan kasunod ito ng direktiba ng lokal na pamahalaan na muli silang i-rescue at dalhin sa mga pasilidad na may controlled environment.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, mahalaga na mapagtuunan ng pansin ang kalugusan ng mga tao sa lansangan lalo ngayong panahon ng pandemiya.

Sumasailalim sa rapid testing ng Manila Health Department ang mga nare-rescue bago dalhin sa Marikina Boystown.

Mula noong magsimula ang community quarantine, higit 200 street dwellers ang nananatili sa dalawang shelter facilities ng Manila LGU kung saan may pagkain, palikuran at maayos na tulugan para sa kanila.

May karagdagan na 300 ang na-rescue ang Manila Police District. Pero umaalma ang ilan sa mga na-rescue na sa lansangan na umano naghahanapbuhay.

Kinumpirma ng alkalde na may mga na-rescue na sinubukang tumakas sa pasilidad.

“Bakit gusto nila sa lansangan?... Hindi lahat pero may mga nahuli natin mga lasing, nagra-rugby...marami po sa kanila may bisyo at marami sa kanila gusto pera. Na hindi ko po gagawin dahil may dalawang milyon pa pong taga-Maynila na dapat tugunan ng pansin. Mga 95 percent sa kanila ay hindi taga-Maynila,” ani Moreno.

Nakiusap siya sa publiko na iwasan nang magbigay ng pera sa mga nanlilimos para hindi magamit ang pera sa bisyo.

Ipinagbabawal ang pagbibigay ng limos sa ilalim ng Presidential Decree 1563 o Anti-Mendicancy Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.