COVID-19 test lab binuksan ng PH Red Cross sa Batangas City

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 03:01 AM | Updated as of Jul 09 2020 03:10 AM

Isang coronavirus testing laboratory ang binuksan ng Philippine Red Cross sa Batangas City nitong Martes sa gitna ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Calabarzon.

Katuwang ang Lucio Tan Group of Companies, nakumpleto na ang naturang RT-PCR molecular laboratory, na kayang makapagproseso ng resulta para sa nasa 4,000 swab samples.

Kayang makakuha ng laboratory ng resulta nito makalipas ang 48 hours. 

Higit tatlong libo na ang kaso ng COVID-19 sa Calabarzon. Ayon sa Department of Health sa rehiyon, nasa higit 12,000 swab tests pa lang ang nagagawa sa buong rehiyon.

"We're going everywhere not because nagpapayabang kami but because it's needed. If we don't test, we die. If we don't test you can't work. Kailangan makapagtrabaho ang tao natin, para makapagtrabaho dapat may test," ani Sen. Richard "Dick" Gordon, chairman at CEO ng Philippine Red Cross.

Bukod sa naturang Calabarzon, target din ng bagong laboratoryo na tumanggap ng mga swab sample mula sa Mimaropa.

Target din na maging accessible sa mga empleyado ang pagpapatest na kinakailangan upang makapagtrabaho muli at makabangon sa gitna ng pandemya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.