Bahagi ng isang barangay sa Navotas, isasailalim sa lockdown

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 09:51 PM

MAYNILA - Isasailalim sa lockdown ang Galicia Street sa Barangay Bangculasi sa Navotas simula Biyernes, Hulyo 10 hanggang Hulyo 23 matapos makapagtala ng pitong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kasama sa isasailalim sa lockdown ang mga karatig-lugar at eskinita sa barangay.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Navotas Mayor Toby Tiangco na layon nitong limitahan ang local transmission sa Galicia Street kung saan pito ang naitalang COVID-19 cases sa lugar nitong Hulyo 8.

Ayon kay Tiangco, exempted ang frontliners, essential workers, kasama ang mga nagtatrabaho sa Navotas Fish Port Complex, at mga may medical emergency.

Kailangang magdala ng company ID o certificate of employment ang mga papasok sa trabaho.

Hanggang nitong Miyerkoles, nakapagtala ng 745 kumpirmadong COVID-19 cases ang Navotas. 

Sa bilang na ito, 383 ang active cases, 304 na gumaling, at 58 na namatay dahil sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.