Babae patay sa pamamaril sa Cotabato City

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 02:07 PM

Patay ang isang babae nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang nasa loob ng kaniyang sari-sari store sa Cotabato City noong gabi ng Miyerkoles.

Nakaupo lamang sa loob ng kaniyang tindahan si Jovy Polloso, 38, pasado alas-6 ng gabi nang lapitan at pagbabarilin ng isang lalaki, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan si Polloso, na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ayon kay Police Maj. Glenn Mae Avisa, bago nangyari ang pamamaril, nag-report sa police station ang biktima na nakatatanggap na ito ng mga pagbabanta sa buhay.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang krimen upang matukoy ang motibo at responsable sa pamamaril.

Ito na ang ika-36 na insidente ng pamamaril sa Cotabato City mula Enero, ayon sa pulisya.

-- Ulat ni Lerio Bompat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.