ABS-CBN workers, supporters nag-caravan para sa prangkisa ng network

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 03:40 PM | Updated as of Jul 09 2020 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Nagdaos ngayong Huwebes ang mga empleyado at tagasuporta ng ABS-CBN ng caravan para ipanawagan sa mga mambabatas na mabigyan ng bagong prangkisa ang Kapamilya network.

Higit 100 sasakyan ang lumahok sa caravan mula sa headquarters ng network sa Barangay South Triangle hanggang sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.

Kasama sina "Magandang Buhay" hosts na sina Jolina Magdangal, Melai Cantiveros, at Karla Estrada sa mga lumahok sa aktibidad.

"Ngayong panahon ng pandemya, sana mas kailangan natin ng mas maraming trabaho, parang ang hirap magtanggal kasi marami nang walang trabaho," ani Estrada.

Muli ring umapela sa mga mambabatas para sa prangkisa ang mga producer, writer at iba pang talent ng network, sa isang programang idinaos sa labas ng Batasang Pambansa.

"Kami po ay nananawagan sa Kongreso na sana po sana naman po ibigay ang prangkisa ng ABS-CBN at itong mga taong nandito sa labas ay tingnan na lang nila kung paano mamumuhay kung wala ang prangkisa ano," ani ABS-CBN Supervisors Union President Raul De Asis.

"Humihingi po kami sa mahal na Kongreso na sana bigyan kami ng pagkakataon na makapag-ere po, dahil po may mga umaasa sa atin sa Kapamilya network hindi lang bilang entertainment kundi po nalalapitan nila tayo, nagbibigay po tayo ng serbisyo publiko," ani Rodel Madridano, producer ng crime show na "SOCO."

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, nasagot ng ABS-CBN ang lahat ng paratang laban sa kompanya sa nagdaang 12 pagdinig ng Kamara.

Hinimok ni Zarate ang mga kasamahang mambabatas na bumoto para mabigyan ng prangkisa ang network.

Noong gabi, nagkaroon naman ng cande lighting sa ABS-CBN headquarters.

Noong Mayo 5, itinigil ng ABS-CBN ang broadcast nito sa telebisyon at radyo matapos silbihan ng cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission kasunod ng pag-expire ng 25-year franchise nito. Napaso ang prangkisa ng kumpanya noong Mayo 4.

Naglabas din ang NTC ng cease-and-desist order para ipatigil ang digital broadcast ng ABS-CBN sa TVplus boxes sa Metro Manila, at ang direct-to-home satellite broadcast ng Sky Cable. -- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.