13 sundalo sa Negros Oriental, nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 05:46 PM | Updated as of Jul 09 2020 07:13 PM

(UPDATE) Kabilang ang 13 sundalong nanggaling sa Cebu sa mga karagdagang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Negros Oriental.

Sa kabuuan, 16 ang bagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ngayong Huwebes. Ayon kay Assistant Provincial Health Officer Dr. Liland Estacion, ang mga sundalo ay bahagi 302nd Infantry Brigade ng Philippine Army na nanggaling sa Cebu kung saan sila na-deploy.

Nakitaan sila ng sintomas ng sakit pero nasa maayos naman na kondisyon. Kasalukuyan silang nasa quarantine facility ng provincial government.

Bukod sa mga sundalo, ang tatlong iba pang nagpositibo sa COVID-19 ay mga na-stranded sa iba't ibang bahagi ng bansa na umuwi na sa Negros Oriental.

Pawang asymptomatic ang tatlo at nasa quarantine facility ng kani-kanilang mga local government unit.

Ayon sa commander ng 302nd IB na si Colonel Noel Baluyan, naka-quarantine sa bago nilang administrative building sa Camp Leon Kilat sa Tanjay City ang iba pang mga sundalo na naghihintay ng resulta ng kanilang RT-PCR test.

Sa kasalukuyan, may 55 na ang naitalang COVID-19 na kaso sa Negros Oriental at 30 dito ang active cases.

Samantala, nakapagtala rin ng 14 na bagong kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental ngayong Huwebes.

Umabot na sa 149 ang kabuuang bilang ng mga nagkasakit ng COVID-19 sa lalawigan.

Ayon sa COVID-19 Bulletin ng Department of Health Region-6, pawang mga na-stranded sa ibang bahagi ng bansa ang 14 na mga bagong kaso sa Negros Occidental.

Nasa quarantine facility rin ang lahat ng mga ito.

May tatlong pasyente naman sa lalawigan ang gumaling na sa COVID-19.

Nananatiling walang bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa Bacolod sa nakalipas na limang araw. --Ulat nina Martian Muyco at Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.