SAPUL SA CCTV: Pulis 'nanakit' ng 8 anyos sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 06:16 PM | Updated as of Jul 09 2019 06:49 PM

Nagkaroon ng gulo sa gitna ng isang basketball game sa Pasig City noong Linggo nang saktan umano ng isang pulis ang isang bata. Screenshot mula sa kuha ng CCTV

Arestado ang isang pulis matapos saktan ang isang 8 taong gulang na bata na nanonood ng basketball sa Pasig City.

Katabing nanonood noong Linggo ng off-duty na pulis na si Staff Sgt. Nicolas Lapie ang bata sa isang basketball court sa Barangay Bambang, base sa kuha ng CCTV ng barangay.

Hinawakan ni Lapie ang bata sa ulo pero hindi siya pinansin nito.

Kalaunan ay tila aakbayan sana ni Lapie ang bata pero nagpumiglas ito. Naulit ito nang ilang beses hanggang sa tila sinuntok ng bata ang pulis.

Pinalo ni Lapie ng damit ang bata at hinila hanggang sa nagkaroon ng kaguluhan at itinigil ang laro.

Ayon sa ina ng bata, umiiyak ang kaniyang anak nang magsumbong sa kaniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakadetene ngayon sa Pasig City Police Station si Lapie matapos kasuhan ng child abuse.

Ayon kay Lapie, mali ang interpretasyon sa kuha ng CCTV dahil nakatuwaan lang niya ang bata.

Iniutos ni National Capital Region Police Office director Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang pagsibak kay Lapie sa puwesto.

Ayon kay Eleazar, malinaw daw ang pag-assault o pananakit ni Lapie sa bata.

Bukod sa kasong kriminal, haharap din si Lapie sa kasong administratibo.

Nakatalaga sa Marikina police si Lapie at wala pa siyang masamang rekord sa loob ng 10 taon sa serbisyo.

Dadaan din sa values formation seminar si Lapie, na bahagi umano ng patuloy na programang internal cleansing ng Philippine National Police.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.