'PCG-Marina report sa Recto Bank sapat na para panagutin ang China'

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang grupo ng mga mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na sapat ang ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) para kasuhan ang mga responsable sa paglubog ng bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank.

Hindi na kailangang hintayin pa ang joint probe o pinagsamang imbestigasyon ng Pilipinas at China para patunayang sinadya ng Chinese vessel na banggain ang bangka at abandonahin ang mga mangingisda, ayon kay Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap.

"The PCG-Marina incident report says it all; the Chinese vessel intentionally rammed and abandoned our fishermen where they could have been killed," sabi ni Hicap sa pahayag.

"This is enough evidence to bring the Chinese perpetrators to justice even without a one-sided Philippines-China joint probe in favor to the offenders," dagdag ni Hicap.

Lumabas sa imbestigasyon na PCG at Marina na noong Hunyo 9, nakaangkla sa may Reed Bank sa West Philippine Sea ang bangka nang banggain ito ng Chinese vessel.

Inilarawan ang pangyayari sa ulat bilang malubhang sakunang pandagat o "very serious maritime casualty" dahil nawasak at lumubog ang bangka.

Pero para sa maritime law expert na si Jay Batongbacal, kailangan pa ng karagdagang impormasyon para malaman kung ano ang pananagutan ng mga Chinese na dawit sa insidente.

Obligasyon umano ng China na makipagtulungan sa Pilipinas at magbigay ng impormasyon para mapatawan ng parusa ang mga sangkot sa insidente.

"Kapag hiningi natin ang information, actually kailangan ibigay nila dahil iyon ang duty nila to cooperate. Ibigay ang pangalan ng barko, 'yong kapitan at crew," ani Batongbacal.

Naniniwala si Chinese studies expert Rommel Banlaoi na kikilos ang China dahil ayaw nitong maapektuhan ang relasyon sa Pilipinas, lalo at malapit nang matapos ang pag-aaral sa joint development ng Reed Bank.

"There is a strong intention on the part of both parties, Philippines and China, to avoid this kind of incident again," ani Banlaoi, pangulo ng Philippine Association for Chinese Studies.

Ayon naman kay Lucio Pitlo III, research fellow sa Asia-Pacific Pathways to Progress Foundation, dapat habulin ang China sa pangako nitong panagutin ang mga responsable.

Dagdag pa ng mga eksperto ay maaaring iparating ang hiling na ito sa pamamagitan ng pormal na komunikasyon o pakikipagdiyalogo sa mga opisyal ng China.

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.