Pag-deport sa Chinese na 'nanapak ng tanod, umihi sa kalsada' inihirit

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 06:21 PM

Inihihirit ng lokal na pamahalaan ng Maynila na ipa-blacklist o hindi na pabalikin sa bansa ang Chinese na nanapak umano ng isang barangay tanod na sumita sa kaniya dahil sa pag-ihi sa kalsada.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nagbigay na umano ng liham ang kaniyang tanggapan sa Bureau of Immigration para ipa-deport ang dayuhan.

"As long as they are violating any ordinances, we should not tolerate. There must be certainty in the city in Manila," ani Moreno.

Kuwento ng tanod na si Gerald Rabuso, nakita niyang umihi ang dayuhan at nang sinita niya ito, sinapak umano siya nito.

Dito na humingi ng tulong ang biktima, at agad naaresto ang Chinese.

Maga pa rin ang labi ni Rabuso, na isa ring person with disability, ilang araw makalipas ang insidente.

Ayon kay Binondo police chief Master Sgt. Ronald Rivera, kinasuhan na ng direct assault ang suspek pero pinakawalan muna ito.

Pababalikin aniya ang suspek sa korte para madinig na ang kaniyang kaso.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.