Meralco nagbabala kontra energy-saving devices

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 07:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa si Jocelyn Rabano sa mga naalok dati ng naglalako ng energy-saving device para raw bumaba ang bayarin sa kuryente ng maliit niyang karinderya.

"Hindi naman ako kumuha noon dahil nasa paggamit naman natin eh," ani Rabano.

Nagbabala ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga konsumer na huwag patulan ang mga nag-aalok ng mga gadget na umano ay magpapababa ng bayarin sa kuryente.

Naglipana rin sa online ang mga energy-saving device, na base umano sa pagsusuri sa Meralco ay nakakapagpataas pa ng konsumo sa halip na magpababa dahil gumagamit din ng kuryente ang mga gadget. 

"Hindi rin tayo sigurado sa safety aspect nitong devices na 'to at puwede pa siyang makadagdag (sa bayarin)," ani Alfred Iporac, project manager ng Meralco Power Lab.

Wattage at oras ng gamit lang daw ang puwedeng magpababa ng konsumo. Ibig sabihin, bababa lang ang konsumo kung babawasan ang appliances o iiklian ang oras ng paggamit nito. 

"You could program the time para mabawasan iyong oras ng paggamit. In that way, makakatipid ka talaga," ani Iporac.

Binalaan din ng Meralco ang publiko laban sa mga nagpapakilalang tauhan nila, at nagbabahay-bahay at nag-aalok ng serbisyong magpapababa umano sa singil sa kuryente.

"Hindi po totoo na mayroon po tayong magagawa sa ating mga metro para pababain ito," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

"'Pag ginalaw po ang ating mga metro, 'yan po ay paglabag sa batas," ani Zaldarriaga.

May nahuli at kinasuhan sa Mandaluyong kamakailan dahil sa paniningil ng P14,000 kapalit ng pagkalikot ng metro para mapababa umano ang bayarin sa kuryente.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.