Babaeng 'nagsasanla' ng sanggol dahil sa utang timbog

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 06:01 PM | Updated as of Jul 09 2019 06:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babae na umano ay ilegal na nag-aalok ng trabaho at 'isinasanla' ang kaniyang sanggol sa mga taong inuutangan.

Dinampot ng NBI-National Capital Region ang suspek na si Grace Caballero sa entrapment operation matapos itong tumanggap ng pera mula sa aplikanteng seaman.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi lisensiyadong recruiter si Caballero. 

Modus din umano ng suspek na mangutang ng pera at gamitin ang kaniyang 4 na buwang sanggol bilang collateral.

Aabot sa higit P1 milyon ang kabuuang nakuha ni Caballero sa kaniyang mga biktima.

Nasa P249,000 ang ibinigay ng biktimang si Sheryl Agkes kay Caballero kahit isang buwan pa lang umano sila magkakilala.

Ikinagulat daw ni Agkes nang nakisuyo sa kaniya ang suspek na iiwan sa kaniya ang sanggol nito. Magpapadala raw ang biktima ng pera para sa bata at pambayad sa utang.

Itinanggi ni Agkes ang alok pero nabatid na napagpasahan na ang bata sa 2 iba pang mga pinagkakautangan ng suspek.

Nasa P185,000 ang utang ni Caballero sa isa pang biktimang si Luz Cacho.

Nagkakila-kilala umano ang ilan sa mga biktima nang maglabas sila ng babala sa Facbeook laban sa suspek.

Ikinulong ang suspek sa patong-patong na kasong estafa, illegal recruitment, at qualified trafficking.

Nakikipag-ugnayan ang NBI sa Department of Social Welfare and Development ukol sa kustodiya ng bata.-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.