4 huli sa buy-bust operation sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 04:25 PM

Apat na tao ang naaresto ng mga awtoridad madaling araw ng Martes sa buy-bust operation sa Malabon City.

Ikinasa ng Malabon City Police Station Drug Enforcement Team (STED) at Philippine Drug Enforcement Agency-Camanava ang operasyon sa may Barangay Longos alas-4 ng madaling araw, ayon sa ulat ng Northern Police District (NPD).

Hinuli ang 4 na suspek — kabilang ang 1 babae at 3 lalaki — matapos nilang bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang nagpanggap na buyer, ayon sa ulat.

Nakuha sa mga suspek ang 14 sachet ng hinihinalang shabu at ang buy-bust money.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga suspek.

Dinala ang mga ebidensiya sa Philippine National Police Crime Laboratory upang masuri. -- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.