12 negosyo sa Parañaque sinita sa di paghuhulog sa SSS

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 12:49 PM

Sinuyod ng Social Security System (SSS) ang ilang negosyo sa Parañaque na hindi umano nagbabayad ng kontribusyon sa ahensiya.

Sa operasyon, aabot sa 12 negosyo ang kinabitan ng show-cause order ng ahensiya, na nag-oobliga sa kanila na bayaran ang kontribusyon ng kanilang mga empleyado.

Kabilang sa mga naunang kinabitan ng show cause order ang isang carwash and auto detailing facility, isang milk tea house, 5 restaurant at 2 salon sa BF Homes, Parañaque.

Sa kanilang kautusan, binibigyang-pagkakataon ang mga employer na tumugon sa Mandatory Social Security Act of 2018 at humarap para magpaliwanag sa tanggapan ng ahensya.

Sa ilalim ng batas, ang sino mang hindi tutugon sa kanilang utos ay mahaharap sa kasong kriminal at pagkakulong ng hanggang 12 taon kasama ang kaukulang multa.

Ginawa ng SSS ang hakbang bilang babala sa mga employer na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.