Sunog sumiklab sa DTRI building sa UP Los Baños

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 05:39 PM | Updated as of Jul 08 2020 06:49 PM

MAYNILA — Sumiklab ang sunog sa Dairy Training Research Institute Building, University of the Philippines Los Baños sa Laguna ngayong Miyerkoles ng hapon.

Naiulat ang insidente sa mga awtoridad bandang 3:05 ng hapon at agad namang nakaresponde at inakyat sa ikalawang alarma ang sunog bandang 3:10 ng hapon. 

Ayon kay Senior Superintendent Adrian dela Cruz ng Bureau of Fire Protection Laguna, nagdeklara sila ng fire out bandang 4:23 ng hapon.

Dagdag pa niya, inaalam pa sa ngayon ang ugat ng sunog at halaga ng pinsalang natamo sa insidente.

“Sa ngayon, magsasagawa pa ng mapping para malaman po ‘yung total damage,” ani dela Cruz sa ABS-CBN News.

Ayon kay dela Cruz, natupok ang ilang mga laboratory at opisina sa lugar ngunit naisalba nila ang auditorium ng gusali.

Dagdag pa niya, wala naman naitalang patay o sugatan sa insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.