Migratory bird sa Tubbataha Reefs park, namatay dahil sa plastic

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 03:49 PM | Updated as of Jul 08 2020 04:55 PM

Natagpuang may nakapulupot na plastic sa leeg at tuka ng isang migratory seabird sa Tubbataha Reefs Natural Park. Tubbataha Reefs Natural Park

CAGAYANCILLO, Palawan - Natagpuang patay sa Tubbataha Reefs Natural Park ang isang migratory seabird na may nakapulupot na plastic sa leeg noong Hunyo 17.

Ang plastic ang itinuturong dahilan kung bakit hindi nakakain at namatay ang Great Crested Tern, ayon sa park rangers.

Hindi ito ang unang beses na may nakitang patay na ibon sa Tubbataha dahil sa plastic kaya nababahala ang pamunuan ng parke at nakikiisa sa global movement na "Plastic-Free July."

"It is becoming serious concern kasi yung effect sa wildlife, hindi naman kita ng marami di ba? So the effect is really just seen by very few people. Ganiyan nga ang ginagawa namin. Pinipilit namin siyang i-publish so people will be more aware," ani Park Supt. Angelique Songco.

Nabawasan naman daw ang basura mula sa ibang bansa at sa Pilipinas na karaniwang sa parke bumabagsak, ayon kay Songco. Maaaring epekto raw ito ng lockdown dahil sa COVID-19, dagdag niya.

"Paano na lang sa normal times natin when we buy, we consume so much, and then we just throw away irresponsibly yung mga pinagbalutan ng mga binili natin?" aniya.

Nasa 34,000 ang bilang ng mga ibon sa Tubbataha, ayon sa tala noong Nobyembre 2019. Inaasahan na mas tataas ang bilang ngayong taon.

Nitong Hunyo, itinanim sa Tubbataha ang nasa 40 beach forest trees, gaya ng Abok-abok at Anuling, para may madapuan at mapangitlogan ang mga ibon.

Naghahanap din sila ng Scaevola Taccada, isang uri ng halaman na dati nang tumutubo sa mga isla sa Tubbataha pero namatay dahil sa dami ng dumi ng mga ibon at tagtuyot nitong mga nakalipas na taon. Pararamihin muna ito at saka itatanim sa mga isla sa susunod na taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.