Kabuhayan ng ilang residente ng Iloilo City umaaray dahil sa oil spill

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 12:00 PM

Umaaray ang ilang residente sa Iloilo City sa epekto ng oil spill sa kanilang kabuhayan.

Maaalalang inilikas ang ilang pamilya mula sa Barangay Barrio Obrero dahil sa hindi makayanang amoy dala ng oil spill - na bunga ng pagsabog ng isang power barge ng isang corporation malapit sa kanilang lugar.

Pero ang ilang nasa karatig-lugar ng oil spill, gaya ni Stephen Hilado, isang mangingisda sa Barangay Calumpang, na hindi na magamit ang kaniyang lambat dala ng oil spill.

Dumikit kasi ang bunker fuel na tumagas mula sa naturang oil barge.

Hindi aniya mabenta ang mga nahuhuli nilang isda at umaalingasaw naman daw sa pampang ang mabahong amoy nito.

Ayon sa mga awtoridad, apektado ng oil spill ang coastal area ng Barangay Calumpang, kaya humihingi na ng tulong ang barangay sa lokal na pamahalaan.

Sa ngayon, mahigit 200,000 bunker fuel na ang nakolekta ng Philippine Coast Guard Oil Spill Response Team sa pamamagitan ng skimming at scooping.

Nasa 15,000 litro pa ang kailangang makuha at sinimulan na rin ang paglilinis sa mga coastal area sa mga karatig-bayan na inabot din ng tumagas na langis.

Tumutulong na rin pati ang Phiippine Navy at nagpadala na rin ng marine biologist para mabantayan ang epekto ng oil spill sa yamang-dagat.

Pinag-aaralan na rin ng AC Energy, ang kompanya na nagmamay-ari ng fuel oil storage na tumagas, ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong residente.

— Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.