COVID-19 ward sa ilang pagamutan malapit na umanong mapuno

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 08:59 PM | Updated as of Jul 08 2020 11:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang pagamutan sa Metro Manila ang nag-report sa Department of Health na malapit nang mapuno ang kanilang COVID-19 ward at intensive care unit (ICU) beds.

Ito ay dahil sa pagdami ng mga pasyenteng may sakit na COVID-19 o pinaghihinalaang may COVID-19 na nagpapaospital.

Narito ang mga naturang ospital:

  • Veterans Memorial Medical Center
  • UST Hospital
  • University of Perpetual Help Medical Center
  • Tondo Medical Center
  • Seamen’s Hospital
  • Philippine Children Medical Center
  • Metro North Medical Center and Hospital
  • Las Piñas Doctors Hospital
  • De Los Santos Medical Center
  • Chinese General Hospital and Medical Center
  • Capitol Medical Center

Pero nilinaw ng ilang ospital na halos araw-araw ay may nadi-discharge din naman silang pasyente kung kaya puwede pang magbago ito.

Naghain naman ng panukala si Sen. Risa Hontiveros na magbibigay ng awtoridad sa DOH na magtalaga kung ilang porsiyento ng bed capacity ng kanilang mga ospital ang dapat ilaan sa COVID-19 patients.

Nakikiusap naman ang mga ospital sa pamahalaan, lalo na sa mga lokal na opisyal, na tulungang makauwi o ihatid sa kani-kanilang mga barangay ang mga gumaling nilang pasyente.

Madalas daw kasing nakararanas sila ng diskriminasyon mula sa mga kapitbahay na nagrereklamo o pinapaalis sila dahil sa takot na mahawahan ng sakit.

SITUWASYON SA PGH, SAN LAZARO

Sa Philippine General Hospital sa Maynila, nasa 130 ang bed capacity na inilaan para sa mga pasyente ng COVID-19.

Pero umabot na sa 166 ang COVID-19 patients sa ospital, kung saan 136 ang positibo sa sakit.

Kaya ang iba sa mga pasyente ay nananatili muna sa mga buffer bed hanggang may ma-discharge na ibang pasyente.

Nakikiusap si PGH Spokesperson Jonas del Rosario na huwag sanang mamasamain kung binibigyan ng kanilang ospital ng prayoridad ang mga pasyenteng dumadating na may severe at critical na lagay.

Nilinaw ni Del Rosario na kumpleto pa rin sila sa mga gamot at gamot para sa pag-alaga ng mga COVID-19 patient.

Sa San Lazaro Hospital naman, puno na ang nasa 90 porsiyento ng higit 60 kuwarto para sa COVID-19 patients.

Pero ayon sa ospital, patuloy pa rin silang tatanggap ng mga pasyente.

Base sa pag-aaral sa University of the Philippines, posibleng umabot sa 100,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas sa katapusan ng Agosto.

Pero ayon sa mga nagsagawa ng pag-aaral, ang numero ay projection at hindi prediction kaya puwedeng magbago ang datos, depende sa situwasyon.

-- Ulat ni Appples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.