Contact tracing, testing dahilan ng pagbaba ng COVID-19 cases sa Marikina: mayor

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 07:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tila nanumbalik na ang sigla sa Marikina. Pero kung ang tricycle driver na si Roel Panoringan ang tatanungin, iba ang masigla sa normal na paraan ng pamumuhay.

Bago pumutok ang pandemya, inaabot lang ng 2 hanggang 4 minuto, nakakakuha na agad siya ng pasahero sa terminal.

Ngayon, inaabot na siya ng kalahating oras sa paghihintay ng sasakay.

"Mahirap pa rin dahil kahit kami namamasada may kaba pa rin dahil sa pandemic na 'to kaya lang napipilitan kami maghanapbuhay dahil kailangan ng pamilya namin eh," ani Panoringan.

Isa ang Marikina City sa ilang lungsod sa National Capital Region na nakakita ng pagbaba sa bilang ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Base sa datos ng lokal na pamahalaan, mula Hunyo 8 hanggang 21, 78 ang kaso na kanilang naitala.

Pero mula Hunyo 22 hanggang Hulyo 5, 25 lang ang kanilang naitalang kaso o mas mababa ng 67.9 porsiyento kumpara sa naunang 2 linggo.

Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, contact tracing at testing ang mga dahilan ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod, na ginaya nila sa Baguio City.

"Aggressive ang contact tracing namin," ani Teodoro.

"Using the template ng Baguio City, I must admit they have a successful contact tracing," anang alkalde.

Bukod sa Marikina, bumaba rin ang case growth sa Mutinlupa at Makati.

Ayon sa mga eksperto ng University of the Philippines, maaaring umabot ng 100,000 ang kaso ng COVID sa bansa pagsapit ng Agosto.

Sabi rin ng UP-OCTA Research, may porsiyento sa mga may COVID-19 ang talagang asymptomatic o walang sintomas.

"Ang isa sa mga kulang natin siyempre testing, dapat naka-scale up na 'yong testing," ani Guido David ng UP-OCTA Research.

"'Yong tracing medyo na mahirap na gawin kasi nga priority natin 'yong may sintomas," ani David.

"May mga at least 8,000 cases na hindi pa natin nade-detect," dagdag niya.

May panawagan din na gawing randomized ang testing para maging mas malawak ang sakop ng mga puwedeng masuri.

Pero ayon kay Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kailangan pa itong aralin.

"It's resource-intensive. Hindi pa alam kung kakayanin 'yan ng ating sistema," ani Vergeire.

Dagdag ni Vergeire, ang tantiya na 100,000 kaso sa Agosto ay tanggap ng kagawaran.

Tiniyak nilang gagawin ng pamahalaan ang lahat para hindi maabot sa ganoong bilang ang mga tatamaan ng virus. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.