Chinese national na 'nanakit' ng nagbibisikleta, enforcer sa Makati kakasuhan

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 02:22 PM | Updated as of Jul 08 2020 02:37 PM

MAYNILA - Mahaharap sa patong-patong na kaso ang isang Chinese national na nag-viral matapos umanong magwala at manakit ng siklista at traffic enforcers sa Makati. 

Kasong physical injury at disobedience to persons in authority ang isasampa sa 27 anyos na babaeng Chinese na residente rin ng siyudad, ayon sa Makati City Police. 

Sa bidyong kuha ng netizen na si Jayson Boongaling sa Jupiter St., makikitang hinahampas at sinisipa nito ang mga miyembro ng Public Safety Department ng Makati. 

Napadaan din ang biker na si Jefferson Reyes subalit ito naman ang napagbalingan. Nagkasugat siya sa leeg dahil sa kalmot ng babae. 

Ayon sa Makati police, pinigilang tumawid ng enforcer ang babae dahil naka-go ang mga sasakyan subalit nagalit ito at nagwala. 

Namalo pa ang Chinese ng mga dumadaang sasakyan at pilit na itinumba ang isang signage. 

Isasalang sa psychiatric at medical tests ang babae upang malaman kung may problema ito sa pag-iisip o naka-droga nang mangyari ang insidente. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.