Anti-terror law di dapat katakutan kung hindi terorista: Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 05:33 PM | Updated as of Jul 08 2020 07:07 PM

MAYNILA — Walang dapat ikatakot ang mamamayan sa kontrobersiyal na batas na Anti-Terrorism Act of 2020, na pinirmahan noong Biyernes ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng batikos at panawagan na huwag itong aprubahan.

Sa isang public address nitong Miyerkoles ng madaling araw, sinabi mismo ni Duterte na ang mga masunurin sa batas na Pilipino ay walang dapat ipangamba sa anti-terror law. 

"For the law-abiding citizen of this country, I am addressing you with all sincerity. Huwag ho kayong matakot kung hindi ka terorista. Kung hindi ka naman sisirain mo ang gobyerno, pasabugin mo ang simbahan, pasabugin mo 'yung public utilities, pasabugin mo 'yung, just to derail, matumba na tuloy ang bayan," ani Duterte.

Ito ang unang public address ng Pangulo mula nang maisabatas ang anti-terror law. 

Sabi ni Duterte, may karapatan ang pamahalaan na ipagtanggol ang sarili laban sa masasamang puwersa na may layuning masama laban sa bansa.

"Kung wala mangyari na masama, wala namang problema. Pero once you blow up simbahan, blow up mo 'yung marketplace. The right to defend itself accrues to the government heavily... If you do that to the people, if you kill them wantonly, then I would take it as a right to kill you," giit ni Duterte.

Sa ngayon, nasa 6 na ang isinampang petisyon sa Korte Suprema para harangin ang pagpapatupad sa anti-terror law.

Ayon sa iba't ibang grupo, malaki ang tsansa na maabuso ang batas lalo na sa mga kritiko ng pamahalaan.

Inirereklamo din nila ang kapangyarihang ibinigay sa anti-terrorism council na tukuyin kung sino-sino at ano-anong grupo ang maituturing na terorista, na posible ring ipahuli ng konseho nang walang warrant of arrest.

Nakasaad sa batas na maaaring makulong ang isang suspek nang hanggang 24 na araw kahit walang warrant of arrest o isinasampang kaso. Giit ng mga petitioner, labag ito sa Konstitusyon.

Tutol din sila sa surveillance at paniniktik sa usapan ng mga pinagsususpetsahang terorista, at pag-freeze sa kanilang bank accounts at assets nang hanggang 90 araw.

Una nang nagpahayag ng suporta ang pulisya at militar sa anti-terror law,at tiniyak na wala itong malalabag na probisyon sa Saligang Batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.