'Pagkuha ng masasakyan di naging pahirapan sa kabila ng tigil-pasada'

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi naging pahirapan ang pagkuha ng masasakyan sa Grab sa kabila ng tigil-pasadang ikinasa ng mga transport network vehicle service (TNVS) driver ngayong Lunes, sabi ng opisyal mula sa ride-hailing firm.

"Passenger booking requests were served well through efforts by TNVS drivers all over Metro Manila," sabi ni Jenicka Hosaka, public affairs manager ng Grab.

Nasa 30,000 TNVS drivers ang sinasabing sasali sa tigil-pasada na layong iprotesta ang umano ay mabagal at paiba-ibang sistema ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang mga permit.

Naniniwala naman ang grupo ng mga TNVS driver na tagumpay ang kanilang "transport holiday" dahil 3 ahensiya ng gobyerno ang humarap sa kanila para makipagdayalogo.

Kasama sa mga ahensiya ang Department of Transportation, Civil Service Commission, at Anti-Red Tape Authority.

"Huwag muna tayong magtigil-pasada, mag-transport holiday, umpisahan natin sa dialogue," ani Transportation Undersecretary Mark de Leon.

Inilatag ng grupo ang kanilang mga hiling na paikliin ang proseso ng pagkuha ng kanilang prangkisa, na ngayo'y umaabot daw ng isang buwan, at pansamantalang ihinto muna ang panghuhuli ng mga walang prangkisa.

Hindi nakuntento ang grupo ng TNVS drivers sa kinalabasan ng dayalogo kaya itinuloy ang tigil-pasada.

Hindi naman itinuloy ng grupo ang planong magsampa ng reklamo sa Ombudsman laban sa mga opisyal ng LTFRB.

Isa na namang dayalogo ang idaraos sa Martes kung saan haharap ang LTFRB sa mga TNVS driver. --Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.