Pag-angkat ng pork products mula Germany pinagbawal

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 05:53 PM | Updated as of Jul 08 2019 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Isinama ang Germany sa listahan ng mga bansang bawal munang pag-angkatan ng karneng baboy at iba pang pork products — isang hakbang na pinangangambahang magdulot ng pagtaas ng presyo ng baboy sa merkado.

Naglabas ang Department of Agriculture ng utos na nagbabawal sa pag-angkat ng karne ng baboy at manok mula Germany kahit hindi pa natatamaan ng African swine fever (ASF) ang bansa.

Kasunod ito ng pagkakatuklas sa Cebu kamakailan ng isang shipment kung saan naihalo sa meat imports galing Germany ang karneng galing Poland, na apektado ng ASF.

Hiningi ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang panig ng importer at posibleng kasuhan kapag napatunayang sinadyang ipuslit ang karne mula Poland.

Nagbabala naman si Trade Secretary Ramon Lopez sa posibleng epekto ng importation ban sa presyo ng baboy.

"Kailangan kung iba-ban 'yong mayroon talagang proclamation from the international body na mayroong disease doon," ani Lopez.

"It might cause this problem na mababawasan iyong supply, tataas iyong presyo," dagdag ni Lopez.

Umaray naman ang meat importers sa biglang paglabas ng ban dahil malaki raw ang magiging epekto hindi lang sa suplay kundi pati na rin sa kanilang mga negosyo.

Ang Germany ang pinakamalaking exporter ng karne ng baboy sa Pilipinas, base sa datos ng Bureau of Animal Industry. Ginagamit ang karne mula roon sa paggawa ng siomai, chicharon, at iba pang produkto.

Higit 20 milyong kilo ng baboy ang inangkat ng Pilipinas sa Germany noong 2018.

Mag-i-inspeksiyon din ang NMIS sa mga cold storage sa buong bansa para malaman kung may iba pang napuslit na karne mula sa mga pinagbawal na bansa. 

Hindi pa matiyak kung kailan ili-lift ang importation ban. 

Bagama't hindi peligroso sa tao, maaring ikamatay ng mga baboy ang ASF, isang sakit na nagdudulot ng pagdurugo sa kanilang internal organs. Maaari itong ikalugi ng pork industry. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.