Mga pulis-Maynila sinibak dahil sa 'pagtanggap ng lagay'

Isay Reyes, ABS CBN News

Posted at Jul 08 2019 08:26 PM

Maynila — Sinibak sa puwesto ang siyam pulis ng Manila Police District Station 11, kabilang ang hepe nitong si Police Leut. Col. Antoinietto Mendoza. 

Matapos ang isinagawang clearing operations noong isang linggo sa ilang pangunahing kalsada sa Maynila, napag-alaman umano ni Manila Mayor Isko Moreno na tumatanggap ng “lagay” ang ilan sa mga opisyales ng Station 11 kaya’t nakalulusot ang mga vendors. 

Noong isang linggo lamang, isiniwalat ni Moreno na inaalok siya ng P5 milyon para lamang itigil ang “paglilinis” sa Divisoria. 

Kasamang sinibak ang mga pulis na sila Police Major Robinson Maranion, Police Major Alden Panganiban, PCPT Jerry Garces, PCPT Bernardino Venturina, PCPT Manuel Calleja, PLT Jerry Campo, PLT Maricel Pili, at PLT Maribel Casayuran. Ayon kay Moreno, tila umano may schedule pa ang mga ito sa pag tanggap ng “lagay.”

“It seems that at certain times of the day, pag talikod ko, may ilang mga indibidwal, uniformed personnel who are engaging and interacting with so-called “organizers” and barangay officials. San ka nakakita, utusan ng Chairman ay Colonel, Major, PCP Commander, nagiging chuwariwap lang,” ani Moreno. 

Manila Mayor Isko Moreno presents the new officers of the Police Station 11 in Binondo, Manila on Monday. By the recommendation of the new mayor, Manila Police District Director Vicente Danao sacked former officers of the said station for allegedly taking bribes from barangay officials. George Calvelo, ABS-CBN News

Ipinresinta sa media ni Moreno nitong Lunes ng hapon ang ilan sa mga pulis na papalit sa Station 11. 

Pamumunuan ito ni Police Lt. Col Noel Calderon Alino kasama ang ilan na hahawak sa mga Police Community Precincts (PCP). Si Police Major Salvador Tangdol sa San Nicolas PCP Commander at si Police Captain Manolito Flores naman ang tatayong Juan Luna PCP Commander. 

Ilan sa mga kalsadang sakop ng Station 11 ang Recto, Binondo side, Soler, Juan Luna, Gandara, at San Nicolas na layuning panatilihing malinis ni Moreno. 

Paglilinaw nito, pinapayagan naman niyang magtinda ang mga vendors dahil dito sila kumukuha ng pangkain sa araw araw pero huwag sa mga lugar na nakakasagabal sa trapiko. 

Ang mga isinagawang clearing operations ay umpisa lang daw at asahan ang tuloy tuloy na pag lilinis sa mga kalsada ng Maynila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.