Insidente sa Reed Bank, 'malubhang sakunang pandagat'

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nitong mga nakalipas na linggo, inilarawan ng ilang matataas na opisyal bilang "simple" at "ordinaryong" aksidente sa dagat ang pagbangga ng isang barko ng China sa bangkang Pilipino na FB GEM- VER.

Nakaangkla noong Hunyo 9 sa may Reed Bank sa West Philippine Sea ang bangka nang mangyari ang insidente.

Pero sa resulta ng imbestigasyong isinagawa ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority (Marina) na nakuha ng ABS-CBN News, hindi simple o ordinaryo ang pagkakalarawan ng mga ahensiya sa insidente.

Sa halip, isa raw itong malubhang sakunang pandagat o "very serious maritime casualty" dahil nawasak at lumubog ang bangka.

Ayon sa ulat, malinaw ang visibility noon, hindi maulap, at kalmado ang dagat.

May mga ilaw din umano ang FB GEM-VER habang nakaangkla sa harap, likod, at itaas, na ayon sa mga mangingisda ay makikita kahit 7 milya pa ang layo.

Ayon sa kusinero ng grupo, nakita niya ang ilaw ng barko ng China 10 minuto pa bago sila banggain. 

Ginising umano ng kusinero ang lahat pero wala nang oras para makalundag sa dagat bago sila tamaan sa likuran.

Hindi sumunod sa patakaran ang bangka ng China dahil tungkulin ng barkong umaandar na umiwas sa mga barkong nakaangkla dahil sila ang may kakayahang magmaniobra, ayon sa ulat.

Lumabas din sa imbestigasyon na pagkatapos banggain ang FB GEM-VER, inilawan muna ang barko ng China sabay patay ng ilaw at maniobra palayo nang walang inalok na tulong.

Ayon sa imbestigasyon, labag ito sa mismong United Nations Convention on the Law of the Sea at patakarang safety of life at sea.

May nakita ring pagkukulang ang mga imbestigador sa panig ng mga Pilipino.

Ayon sa patakarang pandagat, dapat laging may lookout o gising sa bawat pagkakataon sa dagat.

Kulang din ang ilan sa mga papeles ng mga Pinoy at hindi lisensiyado ang makinista.

Kahit 18 lang ang mangingisdang puwede sa FB GEM-VER, 22 ang taong naroon nang mangyari ang insidente.

Pero ayon sa maritime law expert na si Jay Batongbacal, wala ni isa sa mga pagkukulang ng mga Pinoy ang sanhi ng pagbangga.

Ang may pananagutan pa rin daw ay nasa barko ng China.

"Whether or not may papeles ka, kung mababangga ka, babanggain ka pa rin," ani Batongbacal.

"Kahit mayroong lookout, kung ganoon ang sitwasyon, baka nabangga pa rin sila," ani Batongbacal.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi naman nagkakaiba ang sinabi noon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa resulta ng imbestigasyon.

"There is no contradiction," sabi ni Panelo.

"Even the fact where Filipinos were placed in a dangerous situation where they could have been dead then that's a serious marine casualty," ani Panelo.

"When the president says it's not that serious enough to blow it to international crisis, that's what he meant. So both of them are correct."

Wala sa report ang pagsuri kung bakit binangga pa rin ng barkong Chinese ang bangkang Pinoy kahit kitang-kita naman ito sa dagat.

Minungkahi lang sa report na imbestigahan din ng China ang insidente. --Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.