Barangay outpost na ginawang bahay ng tanod giniba

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 10:35 AM | Updated as of Jul 08 2019 12:51 PM

MAYNILA- Giniba ng mga awtoridad nitong Lunes ang isang istrukturang dapat sana ay barangay outpost sa Quiapo matapos itong gawing bahay ng isang barangay tanod.

Nakatanggap umano ng mga reklamo ang Manila City Hall ukol sa dapat sanang outpost ng Barangay 307 Zone 30 sa Quiapo, ayon kay Armand Andres ng Manila City Engineering Office.

Kongkreto ang istruktura na kumpleto sa gamit mula aircon, telebisyon, at may kama pa. Doon na umano nakatira din ang misis ng nasabing tanod.

Depensa naman ni barangay chairman Johnny Dela Cruz, ginagamit nila ang outpost bilang extension ng kanilang barangay hall.

Nanindigan naman si Andres na iligal pa rin ang istruktura at hindi akma sa lugar dahil sagabal ito sa mga dumadaan.

-ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.