Magkaibigang nag-iinuman, patay sa pamamaril sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2018 01:21 PM | Updated as of Jul 15 2019 02:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawa ang patay habang isa ang sugatan sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Barangay Tinajeros, Malabon City noong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Jobert Cabigo, 31 anyos na latero, at Cyrell Ignacio, 18 anyos na estudyante at anak ng kagawad sa karatig-barangay na Barangay Acacia.

Nasa inuman ang magbarkadang sina Cabigo at Ignacio nang mangyari ang pamamaril bandang alas-otso ng gabi.

Tig-dalawang tama ng bala sa ulo ang tinamo ng dalawang biktima, na agad nilang ikinamatay.

Sugatan din ang isa nilang kaibigan na nadaplisan ng bala sa tainga at balikat.

Isang lalaki at babae ang responsable sa pamamaril, base sa kuwento ng mga testigo.

Sinisilip ng mga awtoridad ang posibilidad na mula sa Barangay Acacia ang mga namaril, ayon kay Malabon police chief Senior Superintendent Harry Espela.

"Sigurado kilala nila 'yong mga biktima kasi itong babae... Bakit iyong babae ang [nagpaputok]?" ani Espela.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima.

Wala umanong naikwento ang mga biktima sa mga kaanak at kaibigan na kanilang nakaalitan.

Patuloy na imbestigasyon sa insidente.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.