Gurong 'namalo' ng 5 anyos na estudyante, inireklamo sa Camarines Sur

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2018 06:46 PM | Updated as of Jul 15 2019 02:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo ang isang guro sa bayan ng Lupi, Camarines Sur dahil sa malakas umanong pamamalo sa puwet ng isang estudyante sa kindergarten na nag-iwan pa ng pasa.

Natakot nang pumasok sa eskuwelahan ang limang taong gulang na si "Jojo" matapos paluin noong Hunyo 28 ng guro gamit umano ang stick na panturo sa pisara.

"'Wag ko daw [isumbong] kay mama," kuwento ni Jojo.

Hindi sinabi ni Jojo sa ina ang insidente pero nalaman din nito nang makita ang pasa.

"'Pag baba ko ng short, nakita ko 'yong pilat sa puwet niya, sabi ko, 'Ano nangyari diyan?' Sabi niya, 'Wala.' Tapos ilang beses kong inulit, sabi niya wala talaga. Inulit ko ulit, sabi niya pinalo daw siya ng teacher niya," anang ina ng bata.

Tumangging magsalita ang inirereklamong guro at hindi rin nagbigay ng pahayag ang officer-in-charge ng paaralan.

Hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng division office ng Department of Education.

Ayon sa ina ni Jojo, nagkasundo na sila ng guro na nangakong hindi na muling mamamalo ng bata.

Itutuloy ni Jojo ang pag-aaral sa ibang paaralan. --Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.