Umano'y ilegal na POGO, sinalakay sa Makati; nasa 50 banyaga tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 03:34 PM | Updated as of Jul 07 2020 04:03 PM

Arestado ang aabot sa 50 banyaga, karamihan mga Chinese, na hinihinalang nagtatrabaho sa isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na sinalakay ng mga pulis sa Bgy. Pio Del Pilar, Makati City gabi ng Lunes. 

Tumambad sa mga tauhan ng Makati Intelligence Division at Business Permits and Licensing Office ang mga naka-set up na computer nang pasukin nila ang ika-5 palapag ng isang residential building sa J. Victor Street. 

Ayon sa hepe ng Makati Police na si Col. Oscar Jacildo, pinuntahan nila ang lugar matapos magsumbong sa kanila ang isang concerned citizen tungkol sa umano'y illegal gambling operation doon. 

Kuwento ng mga security guard ng gusali, mahigit 5 buwan na ring naroon ang mga banyaga, pero hindi nila alam na nagtatrabaho sila roon. 

"Wala naman kaming alam sa aktibidad nila. Kasi sa amin, labas na kami sa personal nilang gamit. Kasi ang binabantayan namin tao saka yung pagmamay-ari ng kliyente namin," sabi ng guwardiya ng si Gerry Sari. 

Dinala sa Makati Police headquarters ang mga inaresto para sa pagproseso ng kasong ihahain sa kanila. 

Noong Hunyo, binigyan ng pamahalaan ng kondisyon ang mga POGO sa bansa na papayagang magbukas kung nakapagbayad sila ng buwis. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News