Quezon City nagtala ng 34% pagtaas sa COVID-19 cases: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 07:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inihayag ng Department of Health na tumaas ang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Quezon City habang nakitaan naman ng pagbaba sa ilang lungsod sa Kamaynilaan.

Tumaas nang 34 porsiyento ang mga kaso ng COVID-19 sa Quezon City, sabi noong Lunes ng DOH.

Bumaba naman nang 38 porsiyento ang mga kaso sa Marikina, 10 porsiyento sa Muntinlupa, at 4 porsiyento sa Makati City, ayon sa DOH.

Nauna nang nagkamali ang ahensiya sa pagtawag sa 4 na lungsod bilang "emerging hotspots" o iyong mga lugar kung saan dumadami ang mga kaso, pero agad ding itinama ito.

Ang Quezon City pa rin ang nangungunang lungsod sa Metro Manila pagdating sa may pinakamaraming naitatalang kaso ng COVID-19.

Ayon kay Rolly Cruz, pinuno ng epidemiology and surveillance unit ng Quezon City, isinailalim na sa special concern lockdown ang mga lugar na nakitaan ng clustering.

Hindi na buong barangay ang isinasailalim sa lockdown, sabi ni Cruz.

"We are seeing streets, compounds, 'yong mga highly-densed communities. As of now, we have 11 areas that we have identified," ani Cruz.

"Of these 11, baka 3 or 4 ay mali-lift na natin this week," dagdag ni Cruz.

Sa press briefing nitong Martes sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi kailangang maalarma sa pagtaas ng kaso.

"Nakikita po natin an overwhelming majority of the cases involve mild or asymptomatics, at ang ating kapasidad napakalaki pa po na magbigay ng medical care," ani Roque.

Ayon naman kay Cruz, hindi porke asymptomatic o hindi nakikitaan ng sintomas ang isang pasyente ay hindi na ito nakakahawa.

Matatandaang unang sinabi ng World Health Organization na ang pagkakahawa sa isang asymptomatic patient ay rare o pambihira.

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire na hindi pa ito maituturing na second wave.

"We are not experiencing a second wave but an increase in cases because of increase in testing and lack of implementation of minimum health standards," ani Vergeire.

Ngayong Martes, umakyat sa 47,873 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa matapos makapagtala ang DOH ng 1,540 bagong kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.