Mga hakbang para higpitan ang contact tracing sa MRT-3 pag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 04:00 PM | Updated as of Jul 07 2020 04:24 PM

MAYNILA - Pag-uusapan ng pamunuan ng Metro Rail Transit 3 kung papaano nilang paiigtingin ang contact tracing sa kanilang hanay matapos magpositibo sa coronavirus ang ilan sa kanilang kawani. 

Ayon kay MRT-3 director Mike Capati, aminado silang wala pa silang naitalagang contact tracing platform sa MRT na magpapadali sana ng pagtunton ng mga mahahawahan o makakahawa ng kanilang mga kawani. 

"Wala pa tayong installed contact tracing sa MRT considering na yung ibang nag-a-apply sa'tin na application ay subject for review pa rin. Isa 'yan sa hakbang after this shutdown kung anong mga puwede munang contact tracing like yung ginagawa sa iba na handwritten muna habang hinihintay namin yung possible na puwede gamitin,” ani Capati. 

Maalalang aabot sa 198 ang bilang ng mga nagpositibong manggagawa ng MRT-3 sa RT-PCR o swab test. 

Dahilan ito para pansamantala munang isara ang istayon ng MRT nang may magpositibo na sa istasyon na posibleng nakahalubilo pa ng mga pasahero. 

"Itong late last week itong Friday o Saturday nakapagtala tayo ng positive cases sa ilan nating stations. Nagsagawa tayo ng contact tracing sa station personnel at base sa preliminary tracing hindi tayo nagkaroon ng contact sa depot personnel," ani Transportation Undersecretary Timothy Batan. 

Aabot sa 21 station personnel na ang nagpositibo sa virus, at 15 dito ay mga teller. 

Dahil hindi kinukuha ang mga detalye ng mga pasaherong dumaraan sa istasyon para sa contact tracing, ipinapayo ng Department of Health sa mga pasaherong dumaraan sa mga istasyon kung saan may mga nagpositibong COVID-19 cases na obserbahan ang kanilang kondisyon at sumailalim sa home quarantine para maiwasan ang pagkalat ng virus. 

Para kay Renato Reyes ng grupong BAYAN, dapat masiyasat at maisapubliko kung paano kumalat ang sakit ng coronavirus sa MRT-3 nang ganoong kabils. 

“Marapat malaman kung ano ang conditions sa MRT-3 depot gayon din sa mga ticketing stations na maaaring dahilan ng mabilis na pagkalat ng COVID-19,” ani Reyes. 

Nakatakdang sumailalim pa sa swab test ang nasa 1,400 pasahero at kapag umabot sa higit 1,300 ang nagnegatibo rito ay posibleng makapagbalik-pasada sila. — Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.