Karo ng patay at kabaong bahagi ng COVID-19 info drive sa Lapu-Lapu City

Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 06:02 PM

Bahagi ng pinaigting na information drive ng lokal na pamahalaan ng Lapu-Lapu City ang pag-display ng karo ng patay at kabaong para manatili sa bahay ang mga residente at ipaalala ang pagsusuot ng face mask kung lalabas ng bahay. Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

LAPU-LAPU CITY – Bukod sa police checkpoints, makikita rin na nakapuwesto sa boundary ng Mandaue at Lapu-Lapu City ang karo ng patay at isang puting kabaong bilang bahagi ng pinaigting na information drive ng lungsod laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nakasulat sa karo ng patay ang mga katagang ‘Stay at Home’ at paghikayat sa mga residente na magsuot ng face mask kung lalabas ng bahay. 

Ayon kay Mayor Junard Ahong Chan, may ilan pa ring residente ang nahuhuling lumalabag sa general community quarantine guidelines sa kabila ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na umabot na sa 856.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa ganitong paraan ay mapaalalahanan ang publiko sa mga kailangan nilang gawin para makatulong na mabawasan ang kaso sa COVID-19 sa lungsod. 

Plano rin ng lungsod na lagyan ng kabaong at karo ng patay ang mga barangay kung saan maraming residente ang nagkukumpulan sa labas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.