Grupo nais paimbestigahan ang COVID-19 outbreak sa MRT-3 workers

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 05:56 PM | Updated as of Jul 07 2020 08:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagmistulang ghost town ang MRT 3 nitong Martes sa unang araw ng paghinto ng operasyon nito matapos sumipa ang kaso ng COVID-19 sa mga manggagawa nito.

Mga guwardiya at mga naglilinis ang tanging laman ng dati’y punong-puno na MRT 3. Naka-full protective gear sila ngayong unang araw ng shutdown ng railway na magtatagal hanggang sa Sabado.

Todo-disinfect na sila sa mga istasyon at higit 2 oras ang ginugugol kada platform.

Mas binibigyang atensyon ang madalas mahawakan ng mga pasahero at maging mga empleyado.

Nitong Martes, nasa 198 na kasi ang nagpositibo sa COVID-19 swab test ng mga manggagawa ng MRT 3.

Isa sa pinakamahalagang naging dahilan ng desisyon sa pansamantalang MRT shutdown ay nang may magpositibo na sa istasyon na posibleng nakahalubilo pa ng mga pasahero.

Nasa 21 station personnel na ang nagpositibo sa virus, at 15 rito ang teller.

Isinapubliko ng MRT 3 ang mga istasyon at oras ng trabaho ng mga ticket seller na nagpositibo sa COVID-19: 8 sa North Avenue station, 4 sa Cubao station, 2 sa Kamuning station, at 1 sa Quezon Avenue station.

Aminado ang MRT 3 na pag-uusapan pa lang kung paano ang pagkuha ng detalye ng mga pasahero na posible sanang nagamit sa contact tracing.

"Wala pa tayong installed contact tracing sa MRT considering na 'yung ibang nag-a-apply sa'tin na application ay subject for review pa rin. Isa 'yan sa hakbang after this shutdown kung anong mga puwede munang contact tracing like 'yung ginagawa sa iba na handwritten muna habang hinihintay namin 'yung possible na puwede gamitin," ani Mike Capati, MRT 3 director.

Karamihan sa mga nagpositibo ay mga depot personnel na siniguro ng pamunuan na walang direct contact sa mga pasahero.

Ayon naman sa grupong BAYAN, dapat masiyasat at maisapubliko kung paano kumalat ang sakit na coronavirus sa MRT 3 nang ganun kabilis at sa maikling panahon.

"Marapat na magkaroon ng masusuing pagsisiyasat sa COVID-19 outbreak sa MRT 3 at sa health and safety protocols ng ahensya. Dapat gawing publiko ang resulta ng imbestigasyon para sa kabatiran din ng mga commuters. Ito na siguro ang isa sa pinakamalaking naitala sa isang ahensya ng gobyerno sa maikling panahon. Marapat malaman kung ano ang conditions sa MRT 3 depot gayundin sa mga ticketing stations na maaaring dahilan ng mabilis na pagkalat ng COVID-19," ani Renato Reyes ng BAYAN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.