COVID-19 cases sa Pilipinas puwedeng umabot sa 100,000 sa Agosto: UP experts

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 07:18 PM

MAYNILA — Pinangangambahang pumalo pa sa higit 100,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang sa katapusan ng Agosto, ayon sa tantiya ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP).

Sabi sa Teleradyo ni Guido David, miyembro ng University of the Philippines OCTA research group, pataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa magmula nang mag-general community quarantine sa maraming lugar.

"Iyung sa aming projection actually mas mataas pa sa 95,000 by end of August. Eh baka matatakot kasi ang mga tagapakinig kaya hindi pa namin inilabas ang projection. Pero 'yung sa nakita ko 'yung trending niya mas mataas pa, hihigit pa sa 100,000 kung hindi natin baguhin 'yung ating sistema o 'yung ating pag-handle ng pandemya," ani David. 

Aniya, posibleng umabot sa 65,000 ang COVID-19 cases hanggang sa katapusan ng Hulyo. 

Kaya dapat aniyang pag-isipan ng pamahalaan at mamamayan ang mga solusyon at istratehiya sa paglaban sa COVID-19

Ilan dito ang pag-iwas muna sa malalaking pagtitipon at public transportation. 

Sa huling ulat ng Department of Health nitong Martes, sumirit na sa 47,873 ang bilang ng mga dinapuan ng COVID-19 sa Pilipinas, 1,309 dito ang nasawi habang 12,386 naman ang nakarekober.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.