Wanted sa kasong murder timbog sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2019 12:32 PM | Updated as of Jul 07 2019 12:51 PM

Arestado noong gabi ng Sabado sa Malabon City ang isa sa mga itinuturing na most wanted person ng Navotas City.

Kinilala sa ulat ng Northern Police District (NPD) ang suspek bilang si Noel Dialino, 37, na naaresto bandang alas-7:45 sa Barangay Bayan-Bayanan.

Nahuli ang suspek matapos silbihan ng mga pulis ng arrest warrant para sa kasong murder, na inilabas ni Hon. Zaldy Doceno, judge ng Malabon City Regional Trial Court Branch 170.

Dawit si Dialino sa pagpatay sa isang Jaypee Ravelo Mondido sa Navotas City noong Agosto 6, 2009 sa pamamagitan ng pananaksak, ayon sa ulat ng NPD.

Kasama si Dialino sa top 10 most wanted persons sa Navotas City.

Dinala ang suspek sa Navotas City Police Station Custodial Facility. -- Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.