'Walang baril': Pamilya ng 'tambay' na napatay umano sa buy bust, umalma

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2018 08:33 PM | Updated as of May 12 2019 03:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang nanay ng isa umanong drug suspek na inosente ang kaniyang anak matapos sabihin ng mga pulis na nanlaban ito sa isang buy-bust operation sa San Jose Del Monte, Bulacan.

"Paano magkakaroon ng baril 'yon eh pagkain pa nga lang namin, hirap na kami," ani Rosalina Cabas.

Base sa salaysay ng pulisya, napatay umano ang anak ni Rosalina na si Catalino "Nono" Cabas Jr. sa buy-bust operation matapos umano nitong paputukan ng baril ang awtoridad.

Sinegundahan din ng ilang opisyal ng barangay ang tala ng pulisya.

"Ang alam ko user lang eh, kumbaga sa ano nadamay," ani Rogelio Cruz, kagawad ng Bgy. Gaya-Gaya.

Nangyari umano ang operasyon ng awtoridad sa isang barbershop malapit sa tirahan ng pamilya Cabas.

Tatlong iba pa ang naaresto sa operasyon kabilang ang mag-asawang may-ari ng establisimyento.

"Sa dami ng dinampot nila siya lang ginanyan. Sasabihin nila nanlaban, sa liit ng anak ko anlalaki ng katawan nila kahit bitbitin nila 'yan," saad ni Rosalina.

Ipagdiriwang sana ngayong araw ang ika-23 kaarawan ni Catalino.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.