ALAMIN: Batas na nangangasiwa sa pag-aangkin ng baril

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2018 11:18 PM | Updated as of May 12 2019 03:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay sunod-sunod ang naitalang mga krimen kabilang na ang pamamaril sa mga opisyal ng gobyerno ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Ang usapin patungkol sa batas na naglilimita sa paghawak at paggamit ng mga baril ang tinalakay nitong Biyernes sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Ayon sa isang abogado, ipinasa noong 2013 ang Republic Act 10591 o mas kilala sa tawag na "Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act" para magtakda ng panuntunan kaugnay sa pagkakaroon baril.

"Hindi natin karapatan bumili basta-basta ng baril...kailangan kayo ay qualified," ani Atty. Claire Castro.

Aniya, kailangan munang dumaan sa proseso para makakuha ng permiso sa pagmamay-ari ng baril o License To Own and Possess Firearm (LTOPF).

Tanging sa address lamang ng may-ari na nakalagay sa LTOPF puwedeng gamitin ang baril.

Kung nais dalhin sa labas ng bahay ang baril, kailangan kumuha ng permit to carry.

"Ang permit to carry, outside of residence, kahit may license to possess o to own...'di puwede ilabas," ani Castro.

Kahit na may permit to carry ay hindi pa rin puwede aniyang dalhin ang baril sa loob ng ilang establisimyento at gusali tulad ng mall, korte, at paliparan. 

Ang mga mapatutunayang may hawak ng hindi lisensiyadong baril o loose firearm ay posibleng maharap sa pagkakakulong na aabot sa 20 taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.