Iba't ibang grupo nagtungo SC para kuwestiyunin ang legalidad ng anti-terror law

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 10:17 PM | Updated as of Jul 07 2020 02:19 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sunod-sunod na naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang 4 na grupong kinukuwestiyon ang legalidad ng Anti-Terrorism Act of 2020, na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes.

Unang pumunta nitong Lunes ang mga abogadong pinangungunahan ni Howard Calleja at dating Education Secretary Armin Luistro.

Nauna na nilang pinadala sa e-mail noong Sabado ang kanilang petisyon sa Korte Suprema.

Sumunod si Albay Rep. Edcel Lagman sa pamamagitan ng kaniyang mga kinatawan. 

Siya ang unang mambabatas na kumuwestiyon sa bagong batas sa mataas na hukuman.

Pangatlo ang mga law professor mula sa Far Eastern University sa pangunguna ni dean Mel Sta. Maria.

Bago magtanghali, humabol ang mga mambabatas ng Makabayan bloc sa Kamara.

Bukod sa pagkuwestiyon, gusto nilang ipatigil sa pamamagitan ng isang temporary restraining order ang napipintong pagpapatupad ng batas na maaaring magkabisa sa Hulyo 19.

Pinangalanang respondents sa petisyon ang Executive Secretary, National Security Adviser at mga miyembro ng anti-terrorism council. 

Isinama ng Makabayan bloc si Duterte habang idinamay naman ni Lagman ang Senado at Kamara na siyang nagpasa ng batas.

Pangunahing tinututulan ng mga grupo ang malabo umanong kahulugan ng salitang terrorismo.

"You can be detained for saying you don't like this politician. You can be tagged as terrorist. This is bad for freedom of speech," ani Calleja.

"Marami ngayon ang matatakot na mag-post sa Facebook o sa social media mag-publish kasi broad ang definition ng terorismo at may inciting to terrorism pa na very very dangerous sa free expression, free press and free speech," ani Neri Colmenares, chair ng Makabayan. 

Inirereklamo din nila ang kapangyarihang ibinigay sa anti-terrorism council na tukuyin kung sino-sino at ano-anong grupo ang maituturing na terorista, na posible ring ipahuli ng konseho nang walang warrant of arrest.

Nakasaad sa batas na maaaring makulong ang isang suspek nang hanggang 24 na araw kahit walang warrant of arrest o isinasampang kaso. Giit ng mga petitioner, labag ito sa Konstitusyon.

Tutol din sila sa surveillance at paninitktik sa usapan ng mga pinagsususpetsahang terorista, at pag-freeze sa kanilang bank accounts at assets nang hanggang 90 araw.

Una nang nagpahayag ng suporta ang pulisya at militar sa anti-terror law,at tiniyak na wala itong malalabag na probisyon sa Saligang Batas.

Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, mabuti na ring may nagsampa ng mga petisyon sa Korte Suprema para matuldukan ang mga kuwestiyon sa legalidad ng ilang probisyon ng batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.