SOCO: Empleyado ng KTV natagpuang naaagnas sa ilog sa Pangasinan

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 10:28 AM

 


MAYNILA — Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng 32 anyos na si Annalyn Canonisado sa isang ilog sa Barangay Tococ Barikir sa Mangatarem, Pangasinan noong Mayo 31, 2019.

Base sa awtopsiya, malakas na hampas sa ulo ang direktang ikinamatay ng biktima. Nakapagtala rin ang mga awtoridad ng mga defense wound sa katawan ni Canonisado.

Batay sa imbestigasyon, huling nagtrabaho bilang guest relations officer sa isang KTV bar sa Camiling, Tarlac si Canonisadosa. Dahil hindi nakapagtapos ng pag-aaral, ito raw ang nakitang paraan ni Canonisadosa para maitaguyod ang 3 anak.

Dahil sa kaniyang personalidad, naging paborito raw si Canonisado ng mga parokyano sa pinapasukang bar. 

Pero bago mangyari ang malagim na krimen, handa na raw sana magretiro mula sa naturang trabaho ang biktima. 

"Sabi niya hindi na daw siya masaya sa trabaho niya. Sabi niya, last na daw niya iyon kasi magpapasukan na [ang mga anak niya]. Magpapahinga na daw siya," kuwento ni Elvie Canonisado, ina ng biktima.

Base sa mga impormasyong nakalap ng mga awtoridad, huling nakitang buhay ang biktima noong Mayo 26 na may kasamang 2 lalaki.

"Nilabas siya ng 2 lalaki at nag-iwan pa nga ang mga ito ng ID kaya doon na tayo nag-umpisa ng investigation," ayon kay Police Maj. Aurelio Manantan, hepe ng Mangatarem police.

Kinilala ang 2 lalaki na sina Florante Fortin Jr., 23, at Rolando Moreno, 35, na parehong itinuring na suspek ng pulisya. 

Sa manhunt operation, nadakip si Moreno sa Guiguinto, Bulacan.

"Nakuhanan natin siya ng extrajudicial confession. Sinasabi niya na pumunta sila doon sa Camiling, Tarlac para maglabas ng babae," ani Manantan.

Base sa sinumpaang salaysay ni Moreno, kasama niya noon si Fortin nang dalhin nila si Canonisado sa ilog sa Mangatarem.

"Pinipilit siya na magkaroon ng pagtatalik doon. Ayaw ng babae dahil hindi ayon sa napag-usapan nila. Ayaw ng babae na makipagtalik sa dalawa kaya nagalit 'yung dalawa," kuwento ni Manantan.

"Noong nagalit sila, ayun na. Pinupok na siya ng bato," dagdag pa ng pulis.

Ayon pa kay Moreno, wala silang intensiyon na saktan si Canonisado at nadala lang daw sila ng pagkataranta.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!"

Sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv) para sa karagdagang detalye.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.