Singil sa Meralco bababa ngayong Hulyo dahil sa suplay mula sa solar power farm

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 11:53 AM

MAYNILA - Inaasahang bababa ang singil sa kuryente ngayong buwan dahil makakakuha na ang Meralco ng suplay ng kuryente mula sa Solar Philippines Tarlac Farm.

“We are proud to be the lowest-cost producer of electricity in the Philippines, and happy that Meralco’s approximately 30 million consumers will now benefit from these low costs," pahayag ni Solar Philippines President Leandro Leviste sa isang press statement.

Ang Tarlac Solar Farm ay may peak capacity na 150 MW at kauna-unahang makakapag-dispatch ng kuryente sa Meralco sa ilalim ng isang power supply agreement.

Sa halagang P2.9999/kWh, na may 2 porsiyentong pagtaas kada taon, ito na umano ang pinakamababang rate sa isang power supply agreement sa bansa.

Kung papalitan nito ang average generation rate ng Meralco nitong Hunyo na P6.0185/kWh, maaaring makatipid ang mga konsumer na may 200 kWh buwanang konsumo ng kuryente ng P3.0187/kWh o katumbas ng P603.74.

Pinakamataas ang suplay ng solar power sa katanghalian, kung kailan din mataas ang demand sa kuryente. 

Sa pagkuha ng suplay ng kuryente mula sa solar farm, makaiiwas ang Meralco sa pag-angkat ng kuryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) tuwing mataas ang presyo. 

Makatutulong din itong maiwasan ang rotating power outages na naranasan nitong mga nakaraang buwan. 

"We thank Meralco for accelerating the adoption of renewable energy, and becoming the No. 1 consumer of solar in the Philippines,” dagdag ni Leviste.