Pamilya ng 5-anyos na nasagasaan sa Santiago City, nanawagan ng hustisya

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 12:40 AM

CAGAYAN - Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng isang 5-anyos na nasawi matapos ito masagasaan sa Santiago City noong Martes ng hapon.

Ito ay matapos pansamantalang nakalaya ang nakabundol na si Eloisa Joy Casabar. Ayon sa awtoridad, nagpiyansa ito kaya nakalaya.

Sabi ng ina ng bata ni Jhedai Dimayacyac na si Apple, nasaktan ang pamilya nila nang nakalaya si Casabar.

"Nakakasama ng loob dahil kami nagluluksa, tapos siya nakakalaya...yung mga ganyang tao ay hindi dapat pinagmamaneho,” ani Apple.

Ang asawa nito na si John Jayson, ay umuwi pa mula sa Japan nang narinig ang trahedya. Hindi na siya nakakilos at napahagulgol na lang nang makita niya ang labi ng anak niya.

"Hustisya para sa anak namin," ani ng ama ng tanungin ng ABS-CBN News.

Ayon sa mga awtoridad, nasagasaan si Jhedai sa parking lot ng isang simbahan. Kalalabas lang niya sa eskwelahan at nagsisintas ng sapatos niya nang mangyari ang insidente.

Nakasuhan na ng reckless imprudence resulting in homicide si Casabar.

Ayon sa mga awtoridad, magsasagawa ng stress debriefing ang mga estudyante ng eskwelahan ni Jhedai dahil sa trauma dulot ng insidente. - Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.