OFW inireklamo ang nawawalang dokumento na ipinadala sa misis

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 05:09 PM | Updated as of Jul 06 2019 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kahit laganap na ang e-mail at social media, marami pa ring Pinoy ang tumatangkilik sa koreo para sa pagpapadala ng mga mensahe o dokumento.
    
Pero ang kinasanayang paraan na ito ay nagdulot ng perwisyo sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Australia.

Kuwento ni Erwin de Lara, nitong Marso ay nagpadala siya ng isang sulat na may lamang dokumento sa misis niya sa Pampanga.

Regular mail ang ginamit ni De Lara para sana makatipid. Ang sabi sa kaniya sa Australia, sa loob ng 3 linggo ay makakarating na sa Pampanga ang liham niya na may kalakip na deed of sale ng kanilang bahay.

Pero ilang buwan na ang lumipas ay wala pa ring dumating na sulat sa misis niya.

"Okay na sa akin 'yung 1 month na tagal kasi ordinary [mail] eh... Pero 'yung abutin ng 2 months, 3 months sobra naman 'yung ganung serbisyo nila. Hintay kami nang hintay. Naghihintay kami sa wala," hinaing ng OFW.

Kapag hindi nahanap ang sulat ay panibagong gastos na naman daw ang resulta nito, sabi ni De Lara.

"Puwede ako mag-request ng panibagong copy kaso another gastos na naman 'yun. Papadala ng misis ko dito, papadala ko diyan so another bayad na naman. Dagdag gastos na naman," aniya.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang problema ni De Lara pero tila wala rin daw silang magagawa. Ang problema, hindi ma-trace kung nasaan ang sulat dahil ordinary mail lang ito at wala raw tracking number.

"Ginagawa po namin lahat ng posibilidad na mahanap 'yun through manual na paglo-locate ng parcel niya. From Central Mail Exchange Center (CMEC) to distribution center ng Pampanga, medyo mahabang proseso kasi manual pero gagawin po namin ang lahat," pangako ni Amado Tura, post master ng Manila Central Post Office.

Payo ng PHLPost, kung importante ang ipapadala ay huwag nang magtipid.

"Mas maganda na sigurado tayo. I-package nang maayos at gawing registered o express mail service para may paper trail," ani Tura.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.