Hiling ng DENR kay Mayor Isko: Idamay ang mga estero sa paglilinis

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 10:10 AM | Updated as of Jul 06 2019 06:59 PM

MAYNILA - Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga bagong upong mayor, lalo na kay Manila Mayor Isko Moreno, na linisin rin ang mga ilog at karagatan na kanilang nasasakupan.

Ayon kay DENR Assistant Secretary Joan Lagunda, sana tumulong ang local government units para linisin ang maruruming estero sa lungsod ng Maynila. Sana aniya ay may local development plan para sa paglilinis ng mga estero at ilog.

Sabado ng umaga nang magtipon-tipon ang daan-daang volunteers at government agencies sa Gate 46 sa Parola Compound sa Maynila para sa “Tayo na sa Parola Clean-up Operation.”

Sabi ni DENR Assistant Secretary Corazon Davis, layunin nilang malinis ang 225 metro na coastal area ng Barangay 275 sa Parola. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Maraming nakatirang residente sa naturang compound. Sa lugar din nagsasalubong ang ilog Pasig at Manila Bay kaya maraming basura na naiipon mula sa iba't ibang lungsod ng Metro Manila.

Dagdag ni Lagunda, kailangan malinis ito dahil tag-ulan na at siguradong kakalat ang basura sa Manila Bay.

Nanawagan din siya sa mga residente na huwag na magtapon ng basura sa estero o ilog lalo na ang plastic na maaaring makain din ng mga isda. 

Ilang malawakang clean-up operation ng DENR na rin ang isinagawa sa Manila Bay. Noong Mayo, sa Baseco naman naglinis kung saan nakakuha ng 2,500 na sako ng basura.

Mula pag-upo sa puwesto ay nagsagawa na ng paglilinis si Moreno sa mga siksikang lugar sa Maynila, partikular na sa Divisoria, kung saan inalis ang mga illegal vendors at tambak ng basura sa mga kalye. 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.